Bweset...
Mula sa simpleng papel na napatakan ng itim na dugo. Binuo ang mga salitang minsan ng nakadaupang palad ng isipan at pagkatao. Naging pangungusap. At ito’y mag-iiwan ng sandaling katahimikan sa kaharap. Isang tanong hangggang sampu. Minsan umaabot pa ng limampu. Ilang dahon ng kalendaryo ang naglalagan, subalit sa isang oras lang pinadama na ang init ni kamatayan sa himlayan ng impeyernong katanungan.
Yan ang eksam.
Sa lahat ng pwedeng kaayawan ng mag-aaral—galit ng magulang, sigaw ng prinsipal, panlalait ng kaklase, LQ ng katipan, mabagal na internet, mabahong drayber ng traysikel—isa lang ang nangingibabaw sa lahat. Ang araw ng pagsusulit.
Gumagawa ng paraan ang mga mag-aaral upang masolusyunan ang problemang tila buhay ang kapalit. Ang iba isang linggo pa lang nagrerebyu na ng mga aralin nila sa iba’t ibang uri ng asignatura. Makikita mo ang ilan mong kaklase na gumagamit pa ng indeks kard para gawan ng rebyuhan. Ang ilan naman hindi na maisturbo. Seryoso sa pagbabasa. Hanep sa pagmememorya. Animo’y katipan na ayaw tantanan. Subalit karamihan sa mga mag-aaral ay mga beterano. Magaling magdago ng kodego. Ang mga mata’y nanlalaki at biglang lumilinaw. Mga ulo’y parang zebra sa haba.
Mabibilang mo din naman sa mga mag-aaral kung paano kabahan sa eksam. Lalo na yung mga nasa honor. Natatakot na bumaba ang grades. Ang iba takot dahil baka galitan ng mga magulang. Subalit nakakatuwa din namang isipin yung mga mag- aaral na “Chill” lang kung tingnan. Bumagsak man o pumasa, okay lang. Kapagkaharap na ang test paper, ini-mini-mayni-mo para sa letra. Kaswalin na lang ang sagot, walang hirap.
Ganito ang karamihang karanasan ng mga mag-aaral pagkaharap na ang kapirasong papel na naghahangad ng kasagutan. Kapag hay-skul ka, chill lang. Pero kapag kolehiyo na, andun na si kamatayan sa harap mo. Lalo na kapag mali ang tanong o sadyang mali lang nag narebyu.
Tungkol sa may-akda
Ang may-akda, isang matapat na #CentralYan, ay aminado sa pagiging introvert na nais makilala sa kanyang sagisag-panulat na vamonosjuan.
Guhit ni Justin M. Maraña, 3rd year BSED student